Tagumpay sa dulo ng karera

Tagumpay sa dulo ng karera
News
Sunday, October 27, 2024

Sumelyo ng tatlong ginto, dalawang pilak at apat na tanso ang Gordon College (GC) athletics team sa katatapos lamang na 13th Local Colleges and Universities Athletics Association National Games nitong ika-20 hanggang ika-26 ng Oktubre sa Muntinlupa City.

Nagkamit ng siyam na medalya sa kabuuan ang mga atleta mula sa GC na naging daan upang masungkit ng koponan ang 3rd place sa overall ranking sa naturang larangan sa kabila ng pagkansela ng ilan pang athletics event dahil sa sama ng panahon.

Nag-uwi ng gintong medalya ang mga atleta na sina JB John Piodo para sa 5km run, Benedict Maarat sa 100m at John Paul Punzal para naman sa shotput event.

Samantala, napasakamay nina Adeline Padilla sa javelin throw at Gilbert Ebilane sa discus throw ang pilak na medalya.

Nasungkit naman ang tansong medalya nina Mica Faustino sa 5k run, Jeian Espiritu sa 400m at 800m run, Sophia Valencia para sa 400m run at Adeline Padilla sa discus throw.

Puspusan ang naging paghahanda ng koponan ayon kay GC Athletics Coach Roy De Vera pagkatapos pa lang ng sportsfest, “Ilang days lang, nagbalik agad kami sa training, as I always say to my athletes, this is just the beginning. We need to prepare [for] something more challenging, the [LCUAA] National Games.”

Bukod sa kanilang paghahanda, binigyang diin din ni De Vera ang pagkakaroon ng “disiplina sa lahat ng bagay” ng kaniyang mga atleta na isa sa mga naging susi sa tagumpay ng koponan sa athletics events ng LCUAA.

“Overall, masaya ako sa naging result and I know to myself that GC athletics has more to offer [sa] next LCUAA 2025,” aniya.

____________

✍: Stephanie O. Estrella | Opinion-Editorial Correspondent

📷: John Christian Rocero | Broadcaster

💻: Lance Isaac Leon | Head Visual Artist

#InformingAndEmpowering

#LCUAA2024

#13thLCUAANationalGames2024

#MovingStongerTogether

#MovingFartherAndHigher

#GCWarriors