Mga aspiring freshie, humarap sa init ng pagsusulit

Mga aspiring freshie, humarap sa init ng pagsusulit
News
Thursday, March 6, 2025

Hindi alintana ng mga Gordon College Admission Test (GCAT) examinee ang lagay ng panahon matapos suungin ang hamon ng pagsusulit kahapon, ika-5 ng Marso.

Tuloy-tuloy ang pagpapapasok ng Gordon College (GC) sa mga naghahangad na mapabilang sa mga iskolar ng dalubhasaan simula noong Lunes.

Ito ay sa kabila ng sunod-sunod na pagkansela ng mga klase sa mga karatig na lungsod dahil sa mataas na heat index habang nagtamo naman ang lungsod ng Olongapo ng index na tumuntong sa 40°C, isang araw bago ang pagsusulit.

Ang GCAT ay isa sa mga pangunahing hakbang upang makapasok sa institusyon. Ito ay binubuo ng dalawang parte: Otis-Lennon School Ability Test (OLSAT) at RAVEN Standard Progressive Matrices (SPM).

Tumatanggap ng 120 na mga examinee ang dalubhasaan tuwing araw ng pagsusulit na may dalawang sesyon: umaga at hapon. Tinataya namang 6,000 na ang nagparehistro sa GC Admission.

Inaasahang magpapatuloy ang pagtanggap ng institusyon ng mga GCAT taker tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes sa susunod na mga araw.

____________

✍️: Keane Rafael Abdon | Sports Editor

📷: Emar Kristian Aranda | Opinion-Editorial Correspondent