‘MAY LUGAR KAYO SA PILIPINAS’

‘MAY LUGAR KAYO SA PILIPINAS’
News
Thursday, June 4, 2026

Ito ang naging paalala ni Philippine Senator Ana Theresia “Risa” Hontiveros sa kaniyang keynote speech para sa National Service Training Program (NSTP) Graduates ng Gordon College (GC) ngayong June 4, Miyerkules, sa SMX Convention Center, Olongapo City.

Sinimulan niya ang kaniyang talumpati sa pamamagitan ng pangungumusta at pagkilala sa pagsisikap ng mga guro at estudyanteng dumalo.

Kaagad niya namang ipinaalala ang responsibilidad bilang mag-aaral sa loob ng paaralan.

“Dito sa Gordon College, lahat ng mga teacher natin [ay] pinapaalala sa atin na kapag may tungkulin, dapat tinutupad. Kapag may assignment, ‘pag may note-taking, dapat kayong gumawa,” ani Hontiveros.

“Kapag may nangangailangan, dapat tayong tumulong sa abot ng ating makakaya,” dagdag pa ng senadora.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng presensya at pagtulong sa abot ng makakaya, pati ang pagharap at pagpapakita sa trabaho, sa kapwa tao, at sa mga tungkuling nakaatas sa bawat isa.

“Hangga’t may mga taong magpapasyang ‘pupunta ako,’ ‘haharap ako,’ ‘gagawin ko ang trabaho,’ may pag-asa pa ang Pilipinas, tama ba?” aniya.

Ipinunto rin ni SenRi na habang patuloy nating sinasabi na “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan,” hindi dapat nababahala ang mga ito sa pamasahe, pagkain, trabaho, at maging sa kalusugang pang-mental.

“Hindi puwedeng puro resilience ang hinihingi sa inyo. Dala niyo ang disiplina at ang tibay na hindi umaatras sa anumang hamon ng buhay,” ani ng representante ng Akbayan mula 2004 hanggang 2010.

Dagdag pa ng Women’s Rights Advocate, habang siya’y tumantanda’y lalo niyang nauunawaan na hindi sapat ang pagkakaroon lamang ng boses; kailangan din itong sanayin at gamitin.

“Hindi dapat umaasa ang mga mamamayan sa diskarte upang punan ang mga pagkukulang ng sistema, kundi dapat mabawasan ng pamahalaan ang mga pasaning dinadala ng mga mag-aaral,” paalala ng kauna-unahang socialist senator na babae.

Bilang pagpapatuloy, ipinahayag din ng Chairperson of the Senate Committee on Health and Demography na kung tunay na pahahalagahan ang kabataan at gagawing mas magaan at mas maaliwalas ang kanilang tatahaking landas, mas marami silang magagawa para sa lipunan.

“Hindi lang para pagaanin ang buhay [ninyo], kundi para mas malaya kayong makapagtrabaho, magmahal, at hanapin ang lugar ninyo sa mundo. May lugar kayo sa Pilipinas,” diin niya.

Tinapos niya ang kaniyang talumpati sa paghikayat sa mga kabataan na manatiling makibahagi sa paghubog ng mas maunlad na bansa.

“Hindi perpekto ang Pilipinas, pero atin ito. At ang sariling atin, hindi dapat iniiwan at pinapabayaan. Kapag magulo, dapat inaayos [at] binabantayan. Dito tayo mangangarap, dito tayo lalaban, dito tayo magmamahal, at dito natin itatayo ang mas mabuting Pilipinas,” pangwakas na mensahe para sa mga kabataan ng dalubhasaan. | via Alyssa Marie Alcantara/The FOREFRONT

Layout ni James Dominic Ortega at Samantha Sunga
Kuha ni Franz Feria

#InformingandEmpowering

CTTO: The Forefront