Gravanzo at Cambi, Bagong Lakan at Lakambini ng Buwan ng Wika

Gravanzo at Cambi, Bagong Lakan at Lakambini ng Buwan ng Wika
News
Tuesday, September 3, 2024

Kinoronahan ang mga bagong Lakan at Lakambini nitong ika-30 ng Agosto kasabay ng panapos na selebrasyon ng Buwan ng Wika 2024 na may temang “Wikang Filipino: Wikang Mapagpalaya” na idinaos sa Gordon College Function Hall sa pangunguna ng Samahang Filipino (SamFil).

Matapos ang masusing pagsusuri ng mga hurado, kinoronahan ang mga sumusunod:

Para sa Lakan at Lakambini ng Buwan ng Wika 2024, nagwagi sina G. Ivan Tristan Gravanzo mula sa Kolehiyo ng Edukasyon, Sining, at Agham (CEAS) at Bb. Christel C. Cambi ng Kolehiyo ng Turismo at Pagkalinga (CHTM).

Nanalo naman bilang Lakan at Lakambini ng Wika sina G. Ira Abrigo mula sa Kolehiyo ng Kawaksing Pag-aaral sa Kompyuter (CCS) at si Bb. Antonette Tirona mula sa Kolehiyo ng Kawaksing Pag-aaral sa Medisina (CAHS).

Namayagpag din bilang Lakan at Lakambini ng Panitik sina G. Justin Orlanda ng Kolehiyo ng Kawaksing Pag-aaral sa Medisina (CAHS) at si Bb. Jemarie Sangcap mula sa Kolehiyo ng Edukasyon, Sining, at Agham (CEAS).

Nakamit naman nina G. Jeero Ceneze at Bb. Kryssel Anne Divina, parehong mula sa Kolehiyo ng Pangangalakal at Pagtutuos (CBA) ang titulo bilang Lakan at Lakambini ng Sining.

Sa huli, itinanghal bilang Lakan at Lakambini ng Samfil sina G. Andrei Sydney Albarda mula sa Kolehiyo ng Turismo at Pagkalinga (CHTM) at Bb. Jasmine Anne Espartero mula sa Kolehiyo ng Kawaksing Pag-aaral sa Kompyuter (CCS).

Ayon kay G. Roy De Vera, taga-payo ng SamFil, ang pangunahing layunin ng Buwan ng Wika ay upang bigyang-pagkilala ang ating wika at maisulong ang paggamit nito sa iba’t ibang larangan.

“Sa pamamagitan ng pagsasagawa ng iba’t ibang gawain ay nahuhubog or nasusubok ‘yong mga kakayanan ng mga mag-aaral sa ating dalubhasaan,” aniya.

Samantala, ibinahagi naman ni G. Kharl Christopher Nofies, Pangulo ng organisasyon, ang kanyang mensahe sa mga nagwagi kung saan ay hinikayat niya ang mga ito na gamitin ang kanilang titulo upang mas mapagyabong ang wikang Filipino.

“Gamitin iyong mga katungkulan, maging ang titulo nila para mas mapagyabong o mapagyaman ang ating wikang Filipino. Kasi sa paglipas ng panahon, iyong titulo nawawala rin naman ‘yan,” pahayag niya.

Para kay G. Ivan Tristan Gravanzo, Lakan 2024, ang pagkapanalo bilang Lakan ay isang malaking sorpresa.

“Personally, hindi ko in-expect na mananalo ako. Pero, it is what it is. Unang-una, maraming salamat kay Lord na binigay niya ‘tong award na ‘to,” pahayag niya.

Samantala, ibinahagi naman ni Bb. Christel C. Cambi, Lakambini 2024, hindi niya inakala na siya ang magwawagi.

“At first hindi ko talaga in-expect na mananalo kasi grabe rin ‘yung laban ng Department ng CAHS. Kaya ‘yung laban sa aming dalawa, feeling ko hindi siya gano’n kahigpit [ang laban],” saad niya.

Bukod sa Lakan at Lakambini 2024, pinarangalan din ang ilang estudyante na nanalo sa ibang patimpalak ng organisasyon tulad ng Likhawit, Tatafil, Malikhaing Pagguhit, Islogan, Husanaysay, at MakaTanghal.

✍🏻 : Princess Alliyah B. Danday | News Correspondent

📸: Jasmine Shameer | Photojournalist

#InformingandEmpowering