Hinirang bilang overall 1st runner up ang Gordon College Arnis team matapos magtala ng 7 gold, 9 silver, at 5 bronze sa katatapos lamang na LCUAA Arnis events na ginanap sa Gov. Felicisimo T. San Luis Memorial National High School Covered Court kahapon.
Gamit ang mapanindak na abilidad, nauwi ni Jherwin Estocado ang silver sa men’s middleweight division, habang tinanghal naman bilang gold medalist sa men’s superweight division si Emigdio Dacky Dacayana matapos pulbusin ang kalahok ng Pamantasan ng Lungsod ng San Pablo.
Upang dagdagan ang panalo, apat na magkakasunod na ginto ang nasungkit nina Ann Klein Ebilane, Aira Wilsa Bugayong, Mylyn Quiambao, at Jasmine Alliah Silvido para sa Bantamweight division, Featherweight division, Lightweight division, at Welterweight division, habang nakamit naman nina Crizel Biazon, at Issha Marie Ballonado ang silver sa women’s flyweight division, at cruiserweight division.
Naibulsa naman ng koponan ang ginto sa Arnis Anyo women’s individual at team sword and dagger, habang pilak naman sa men’s individual double identical weapon, women’s individual single weapon, women’s individual double identical weapon, team single weapon, at team double identical weapon. Kabilang na rito si Eliza Aquino na nagkamit ng anim na medalya: gold para sa women’s individual at synchronized sword and dagger weapon, at silver para sa individual solo weapon, double identical weapon, synchronized solo, at double identical weapon.
Wagi rin ng tansong medalya ang GC team sa men’s individual single weapon, men’s team single weapon, team double identical weapon, at team sword and dagger.
Samantala, naghari bilang overall champion ang Taguig City University sa naturang event matapos kumamada ng 15 gold, 4 silver, at 6 na bronze, habang pumangatlo naman ang Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa na nakakuha ng 15 kabuuang medalya.
: Dol Rich Jay Mangin | Head Cartoonist
: Alejandrian Rodavia | Photojournalist & John Ian Marquez | Devcomm Editor
: Angelique Jose | Graphics Editor & Isaac Leon | Multimedia Editor