Bagong Lakan at Lakambini ng Kasaysayan, pinasinayaan sa Gordon College

Bagong Lakan at Lakambini ng Kasaysayan, pinasinayaan sa Gordon College
CEAS News
Sunday, September 7, 2025

GORDON COLLEGE—Inukit na ang mga bagong lakan at lakambini ng kasaysayan kasabay ng panapos na selebrasyon ng Buwan ng Kasaysayan 2025 na may temang “Diwa ng Kasaysayan, Kabilin sa Kabataan” na idinaos noong Agosto 30, sa Gordon College Physical Education (PE) Hall sa pangunguna ng Samahan ng mga Mag-aaral sa Araling Panlipunan (SMAP).

Nagwagi sina G. Lorenzen Rob Gonzales mula sa BSEd Soc 3-A at Bb. Angel Mae Deseo mula sa BSEd Soc 1-A para sa Lakan at Lakambini ng Kasaysayan 2025.

Nasungkit naman nina G. Jhan Girbaud Hipolito mula sa BSEd Soc 2-A at Bb. Jhade Aizelle Quiocho mula sa BSEd Soc 1-A ang korona bilang Ginoong Unang Gantimpala at Binibining Unang Gantimpala.

Namayagpag din bilang Ginoong Ikalawang Gantimpala at Binibining Ikalawang Gantimpala sina G. Rafael Ellado mula sa BSEd Soc 1-A at Bb. Gervy Sarmiento mula sa BSEd Soc 2-A.

Bukod sa Lakan at Lakambini 2025, iginawad din ang mga espesyal na parangal tulad ng Lunting Diwa at Best in Talent na parehong nakuha nina G. Jhan Girbaud Hipolito at Bb. Jhade Aizelle Quiocho.

Nakamit naman nina G. Lorenzen Rob Gonzales at Bb. Jhade Aizelle Quiocho ang mga titulong Best in Formal Attire at People’s Choice Award.

Samantala, inuwi naman nina Bb. Angel Mae Deseo at G. Lorenzen Rob Gonzales ang karangalang Binibini at Ginoo ng Nakaraan.

“Nung sinabi na ako yung panalo, naging proud ako kasi nagbunga yung suporta ng pamilya at mga kaibigan, higit sa lahat, nagbunga yung effort at tiwala ko sa sarili” saad ng Lakan 2025.

“In-expect ko talaga na may chance akong manalo.” Ibinahagi din ni Lorenzen na pinaghirapan niya ang kanyang preparasyon, mula ensayo hanggang pagpapakilala at pagsagot sa tanong ng mga hurado.

Samantala, labis naman ang pasasalamat ni Bb. Angel Mae Deseo, Lakambini 2025, sa lahat ng tumulong sa kanya lalo na at noong panahong iyon ay masama pa ang kanyang karamdaman.

“Tinrangkaso po ako hanggang sa mismong laban, sa kabila nun ay ipinagpatuloy ko ang laban sapagkat nakikita ko ang aking mga kamag-aral (SOC 1-A) na nagtutulong-tulong upang matapos ang lahat ng aming kakailanganin,” saad ni Angel Mae Deseo.

“Lahat ng pagod at puyat ay naging makabuluhan sapagkat nasungkit namin ang korona at karangalan,” aniya. | via Lovely Doroin/The FOREFRONT

_______________________________

Litrato ni Junell Madlangbayan

#InformingandEmpowering