Tiniyak ng Gordon College team na hindi hadlang ang pagkakaroon ng baguhang manlalaro sa kanilang koponan matapos magpakita ng gilas at ma-ibulsa ang tansong medalya sa katatapos lamang na Men’s Sepak Takraw round-robin match na ginanap sa Laguna Sports Complex Multifunction hall, Ika-10 ng Oktubre.
Namayagpag sa unang laro ang GC at ibinida ang kanilang matatalim na spike upang pulbusin ang Kolehiyo Ng Lungsod ng Lipa (KLL) sa Regu team A match sa iskor na 21-15, 21-12.
Sa sumunod na sagupaan, pinayukod pa rin ng GC Regu team B ang kaparehong kalaban para angkinin ang 2-0 na kabuuang puntos sa iskor na 21-19, 21-17.
Upang dagdagan ang lumalagablab na init ng labanan, sinubukang sindakin ng GC ang Taguig City University (TCU) sa kasunod na laro ngunit nabigo ang koponan na patumbahin ito matapos pahintuin ang kanilang bilis at listo at makuha ang 2-0 standings ng laro.
Mai-dura lamang ang nalasap na pagkatalo, nagwaldas ng matitinik na atake ang parehong Regu team A at B sa huling gitgitan, dahilan para mawalan ng porma ang iba pang katunggali at masungkit ang ikatlong pwesto.
“Big learning experience po ito dahil mas nakilala namin ang sarili namin. We will continue to work on this po kasi baguhan pa lamang ‘yung iba sa team. Pagkatapos ng LCUAA, as soon as possible, training pa rin para kahit saan kami sumali, kaya namin manalo”, saad ni Jasper Silvido, team captain ng koponan.
Samantala, pursigido naman si coach Andree Silvido na simulan nang maaga ang recruitment ng mga manlalaro, upang matapang na mapaghandaan ang paparating na LCUAA 2024.
: Dol Rich Jay Mangin | Head Cartoonist
: Alejandrian Rodavia | Photojournalist & John Ian Marquez | Devcomm Editor
: Angelique Jose | Graphics Editor & Isaac Leon | Multimedia Editor