Badminton Singles B event, pinagharian ng GC

Badminton Singles B event, pinagharian ng GC
News
Wednesday, October 11, 2023

Nagmistulang “scoring machine” ang dalawang pamato ng Gordon College Men’s at Women’s badminton team matapos ikadena ang dalawang gintong medalya sa naganap na championship match ng Badminton Single B event, ika-10 ng Oktubre.

Bitbit ang tapang at bilis, naungusan ni Rose Ann Mesias ang katunggali mula sa Taguig City University upang tawirin ang unang set ng laro sa iskor na 22-20.

Nagpaulan naman ng magkakasunod na power hit ang TCU dahilan para silatin ang lamang sa kalahating oras ng laro, ngunit kaagad na inapura ni Mesias ang laban at mabilis na sinelyuhan ang tiket patungo sa ginto, 21-12.

Sa kasabay na oras, sinalanta naman ni Glenn Ian Amancio ang hari ng Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa matapos itong magbitaw ng malalakas na smash at nakalilitong drop upang dagitin ang unang set ng laro sa Men’s division.

Umangkin pa rin ng magkakasunod na puntos si Amancio upang diktahan ang kalaban at agawin ang bentahe ng laro sa ikalawang set dahilan para makamit ang kaniyang inaasam na ginto.

“Puro training po ang ginawa naming paghahanda at nanalangin. Naging inspirasyon ko rin po ‘yung teammate ko na dapat siya ang lalaro sa Single B women’s division, pero hindi natuloy dahil sa health emergency”, ani Mesias matapos ang laban.

#InformingAndEmpowering

#ComebackStronger

#DreamHigher

#12LCUAANationalGames

✍️: Dol Rich Jay Mangin | Head Cartoonist

📷: Alejandrian Rodavia | Photojournalist & John Ian Marquez | Devcomm Editor

💻: Angelique Jose | Graphics Editor & Isaac Leon | Multimedia Editor